AMINADO man na siya ang pumatay, depensa naman ng naarestong suspek sa pagpatay sa Grab driver Gerardo Maquidato, Jr. na ang kanyang motibo ay holdapin lamang ito pero lumaban kaya niya ito tinuluyan.
“Alam ko mahihirapan kayong mapatawad ako pero pera lang ang gusto ko sa kanya pero lumaban po siya,” pahayag ng suspek na si Narc Tulod Delemios, alyas Miko, sa isang press conference sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame kaninang Miyerkules ng umaga.
Si Delemios ay iprinisinta sa media at sa pamilya Maquidato ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa.
Pero taliwas naman ang paniniwala ng misis ni Maquidato na si Brenda, at sinabi na kaya lumaban ang kanyang mister ay upang makabalik sa kanyang pamilya.
“Alam ko hindi lalaban ang asawa ko. Alam ko gusto niyang bumalik sa pamilya niya. Alam ko ang iniisip niya paano siya makaaalis sa ‘yo para makauwi sa amin,” umiiyak na sambit ni Brenda.
Tinanong naman ng nanay ni Maquidato kung bakit hindi niya binigyan ng tiyansa ang kanyang anak.
“Hindi mo pinagbigyan. Bakit mo ginawa? Napakawalang puso mo, masahol ka pa sa hayop,” sambit ng ginang.
“Napakasipag niya. Parang hayop ang ginawa mo sa kanya. Pagsisisihan mo nang habambuhay ang ginawa mo,” dagdag nito.
Naniniwala naman si Dela Rosa na gumagamit ng droga si Delimios kaya iminungkahi niya itong ipa-drug test.
Naaresto si Delemios nitong nakaraang Martes ng gabi sa kanyang bahay sa Brgy. Sto. Niño sa Pasay City.
Malaki ang naitulong ang pakikipag-koordinasyon ng hindi pinangalanang nobya ni Delimios sa pulisya sa pagkakahuli sa suspek dahil ang ginamit nitong cellphone sa pagrehistro sa serbisyo sa Grab ay sa kanya. BOBBY TICZON