ISANG 24-anyos na overseas Filipino worker (OFW) ang binugbog at pinagsasaksak ng grupo ng kalalakihan sa loob ng videoke kaninang madaling-araw, Nov. 9, sa Malabon City.
Si Aldrin Zulueta, ng Dulong Herrera St., Brgy. Ibaba, ay kasalukuyang nakaratay at inoobserbagahan sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tinamong saksak sa likuran, habang ang dalawa sa mga suspek na nakilalang sina Edmar Cruz, 26, at Mark Kerwin Tibulan, 25, mga taga-#77 Celia 2 Brgy. Bayan-Bayanan ay naaresto ng mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 7.
Sa imbestigasyon nina SPO1 Rolando Hernando at PO2 Jose Romeo Germinal II, lumalabas na kasama ng biktima ang kanyang kaibigang sina John Edward Lachica at Harold Joy Velasco at nag-iinuman sa Over Stay KTV sa Gen. Luna Ave., Brgy. San Agustin pasado ala-1:00 kaninang madaling-araw.
Matapos makaubos ng ilang bote ng beer, nilapitan sila ng ilang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman din sa nasabing KTV bar.
Dito na nagkainitan ang biktima at mga suspek kung saan agad bumunot ng patalim si Cruz at agad na pinag-uundayan ng saksak ang biktima habang si Tibulan ay sinaksak din ng basag na bote sa ulo.
Sa kabila ng mga tinamong sugat ng mga biktima ay nakatakbo pa ito palabas ng nasabing viedeoke bar habang patuloy na kinukuyog ng mga suspek pero nagkataon namang parating ang isang mobile car ng PCP-7 na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. ROGER PANIZAL