BAGSAK sa kulungan ang isang pedicab driver matapos ireklamo ng pananakit sa kanyang 76-anyos na ama at pag-alipusta at pagmumura sa barangay tanod kagabi, Dec. 8, sa Brgy. Santulan, Malabon City.
Kinilala ni Malabon police head of investigation Insp. Paul Dennis Javier ang suspek na si Rogelio Nieves, 49, ng 232 E. Martin St/, Brgy. Santulan.
Sa pinagsamang imbestigasyon nina SPO1 Rolando Hernando at PO3 Randy Billedo, dakong 11:45 ng gabi nang dumating sa kanilang bahay ang lasing na suspek at kinompronta ang kanyang amang si Romeo, 76, biyudo, bago pinagmumura.
Nauwi ang mag-ama sa mainitang pagtatalo hanggang sa itulak ng suspek ang kanyang ama na naging dahilan upang magkaroon ng mga galos sa katawan ang biktima.
Nasaksihan ang insidente ni Threresa Laxa na agad humingi ng tulong sa mga barangay tanod na mabilis namang rumesponde at inaresto ang suspek.
Nang nasa loob sila ng barangay hall ay pinagmumura ng suspek ang mga umarestong tanod kaya pinosasan ito bago dinala sa himpilan ng pulisya at sinampahan ng kasong slight physical injury at alarm and scandal. ROGER PANIZAL