SWAK sa kulungan ang isang 18-anyos na babae matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa isinagawang drug operation ng mga pulis sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City kagabi, Disyembre 11, Lunes.
Kinilala ni Supt. Danilo Mendoza, hepe ng Quezon City Police District station 3-Talipapa, ang suspek na si Rovelyn Sison, dalaga, tubong Negros Ococidental ng Purok 8, Unit 5, Brgy. Commonwealth, QC.
Ayon sa Talipapa police, nadakip ang suspek dakong 9:30 ng gabi sa Olibas St., NAWASA site, Brgy. Pasong Tamo.
Nabatid kay Mendoza na nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng QCPD station 3 Drug Enforcement Unit sa Nawasa Site, laban sa isang Khamar Salik na umano’y responsable sa pagpapakalat ng illegal na droga sa naturang lugar.
Habang isinasagawa ang operasyon, namataan ni PO1 Rogelio Reponte ang isang lalaki at babae na nakilalang si Rovelyn Sison na may dala umanong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Agad dinakip ng mga pulis ang suspek subalit nakatakas ang lalaki habang nadakip naman si Sison.
Narekober kay Sison ang naturang illegal na droga at kasalukuyang nakapiit sa himpilan at nahaharap sa kaso. SANTI CELARIO