HULI ang isang lalaki matapos itong mahulihan ng iligal na droga nang itoy papasakay sana sa LRT 2, Araneta Cubao station.
Kinilala ang suspek na si Adiv Zimran Santiago, 21, ng Brgy. San Roque, Cubao at sinasabing estudyante sa isang kilalang unibersidad sa Maynila.
sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7, nasa entrada ng LRT 2 Araneta Cubao Station si Santiago at papasakay sana sa LRT.
Ngunit nang kapkapan at buksan ang kanyang bag ay nakita ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga.
Nang makita ito ng security guard ay agad na tumakas ang suspek. Hinabol ng guwardya si Santiago at nahuli ito sa kalapit lamang na mall.
Nakumpiska mula rito ang apat na sachet ng marijuana, isang sachet na naglalaman ng anim na tableta ng ecstacy, isang sachet ng cocaine, isang sachet ng hinihinalang iligal na droga, isang bote ng liquid ecstacy, at tatlong bote na may bakas ng liquid ecstacy, mga drug paraphernalia, at ₱51,920 cash.
Sinasabing ire-remit dapat ni Santiago ang pera sa kanyang supplier nang ito’y mahuli.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa himpilan ng QCPD Station 7. JOHNNY ARASGA