AABOT sa P20 milyon halaga ng ari arian ang naabo makaraang tupukin ng apoy ang bahay ng beterano at sikat na singer na si Freddie Aguilar sa Brgy. North Fairview, Quezon City kagabi Enero 3, 2018 (Miyerkules).
SA loob ng 30-minuto naabo ang bahay ng singer na tumupok sa dalawang palapag (2) na bahay nito.
Ayon kay FO3 Dereck Caranto arson investigator ng Quezon City-Bureau of Fire Protection (QC-BFP) sumiklab ang apoy dakong 10:50 ng gabi sa ground floor ng music room sa bahay ng singer Freddie Aquilar sa no. 18 Avery St., North Fairview Park Subdivision, Brgy. North Fairview, QC.
Nabatid sa ulat na dakong 11:38 ng gabi nang ma-fire out ang sunog sa bahay ni Ferdinand Pascual Aguilar sa tunay na buhay.
Sinabi pa sa ulat na habang nasusunog ang unang palapag, nasa second floor ang buntis na misis ni Ka Freddie na si Jovie, 21, at biyenan nito.
Nakaligtas ang misis ni Freddie Aguilar na si Jovie at biyenan nito sa pamamagitan ng pagdaan sa balkonahe saka gumamit ng hagdanan pababa.
Dalawang anggulo naman ang tinitingnan pinagmulan ng sunog, overloading sa electrical system at posibleng may leak sa tubo ng tubig na maaaring umabot sa wiring ng tahanan ng pamilyang Aguilar.
Ayon kay Ka Freddie, nalulungkot siya dahil ipapamana sana niya sa kanyang mga apo ang collector’s items na kanyang pagmamay-ari pero nagpapasalamat na rin siya dahil walang nasaktan o kaya nasawi sa kanyang pamilya.
Wala naman iniulat na nasugatan sa naturang sunog. SANTI CELARIO