WALA pang tatlong buwan simula nang mabakunahan ng Dengvaxia ang isang 13-taong gulang na dalagita ay namatay ito na kanilang isinisisi sa itinurok na anti-dengue vaccine.
Sinabi ng ama ni Abbie Hedia na si Ariel, noong nakaraang Miyerkules nang makaramdam ng pananakit ng ulo, mataas na lagnat, pagdudumi, at pagsusuka ang kanyang anak.
Una nilang dinala si Abbie sa Ospital ng Muntinlupa kung saan matapos tingnan ng mga doktor ay pinauwi rin sila.
Acute gastroenteritis ang diagnosis sa bata.
Ngunit nagpatuloy ang nararanasang mga sintomas ni Abbie kaya naman muli itong ibinalik sa Ospital ng Muntinlupa at ipinasok sa intensive care unit (ICU) kung saan binawian na ito ng buhay.
Kahapon ay nagsagawa ng forensic examination ang Public Attorney’s Office (PAO) sa katawan ni Abbie kung saan lumabas na nagkaroon ito ng massive bleeding sa utak at ang kanyang mga internal organs, partikular na ang kanyang mga kidneys ay namaga.
Kasabay ng pagkakaroon ng lagnat ni Abbie ay nagkaroon din ng lagnat ang nakatatanda nitong kapatid at sa ngayon ay maayos naman na ang kalagayan nito. JOHNNY ARASGA