BAGUIO CITY – Dahil sa pagbebenta ng pornographic DVD, isang babae ang inaresto kahapon (February 15) sa isang entrapment operation sa nasabing lungsod.
Narekober mula sa suspek na kinilala lamang sa pangalang Mary, ang 28 DVDs na naglalaman ng malalaswang palabas sa halagang P35 kada piraso.
Sa report ni SPO3 Veronica Villareal, ng Baguio City-Criminal Investigation and Detection Group, nakatanggap sila ng reklamo sa isang concerned citizen ukol sa pagbebenta ng mga pornographic DVD.
“We conducted a surveillance dito sa areas na ito and indeed naka-test buy kami,” ani Villareal.
Depensa naman ng suspek, pinilit lamang daw siya ng isang kakilala na bumili ng mga nasabing DVD.
Mahaharap ngayon si Mary sa kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code kung saan nakasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang pamamahagi o pagbebenta ng anumang materyal na nakakalabag sa moralidad.
Sakaling napatunayang nagkasala ang suspek, anim na buwang pagkakakulong at multang P6,000 – P12,000 ang maaaring ipataw sa suspek na nakakulong sa Baguio City detention cell. ALLAN BERGONIA