Quantcast
Channel: Police – Remate
Viewing all articles
Browse latest Browse all 8129

Graduating stude ng NU, patay sa magkapatid

$
0
0

HINDI  na magawang umakyat pa sa entablado ang isang graduating student matapos itong pagsasaksakin ng isang magkapatid dahil lamang sa masamang tinginan sa isang bilyaran kaninang madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Nagtamo ng 4 na tama ng saksak sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan ang biktimang si Daniel Hernandez, 19, marketing student ng National University at residente ng 726 Molave St., San Jose, Rodriquez, Rizal.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang magkapatid na responsable sa pagkamatay ng biktima na sina Eiffel de Guzman 19,Grade 12 student ng Lyceum of the Philippines University at nakababatang kapatid na si Elijah de Guzman, 15, Grade 7  sa Arellano University at kapwa nakatira sa 221-E  Ranzares St., Sampaloc, Maynila.

Sa report ni SPO3 Glenzor Vallejo, imbestigador ng  Manila Police District- Homicide Section, dakong alas-12:08 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat ng Lakay Billiard sport bar na matatagpuan sa kahabaan ng P.Paredes St., kanto ng Tolentino St, Sampaloc, Maynila.

Sa imbestigasyon, sinabi  ng kaibigan ng biktima at  testigong si Randy Angelo Mendoza sa kanyang salaysay na 11 silang magkakaibigan  na nasa bilyaran nang ipakilala sa kanila ng kanilang kaibigang babae na si Angeli Chan ang magkapatid na suspek.

Sa gitna ng  kwentuhan , papilosopong sumasagot umano ang mga suspek at masama ang tingin hanggang nauwi sa mainitang pagtatalo at suntukan sa labas ng bilyaran.

Ayon pa kay Mendoza, bigla na lamang umanong inundayan ni Eiffel  ng saksak ang biktima subalit nakailag ito at  gumanti ng suntok sa suspek.

Gayunman, muling sinaksak ni Eiffel ang biktima na noo’y tinamaan na sa dibdib .

Sa kabila nang may tama na ang biktima ay muli umano itong nakaganti ng suntok sa suspek hanggang sa bigla na lamang itong nanghina at bumagsak habang ang ibang kaibigan ay nakikipagsuntukan na rin sa magkapatid na suspek.

Dito muling inundayan ng saksak ng paulit-ulit si Hernandez habang nakahandusay na sa semento bago tuluyang nagsitakbo papatakas sakay ng Toyota Vios na kulay gray at may plakang AAO-8021.

Sa follow up operation ng pulisya, tanging ang kotse at ang fan knife na 10 pulgada ang haba na ginamit sa pananaksak ang narekober.

Patuloy  ang imbestigasyon ng Homicide Section sa krimen para sa ikadarakip ng magkapatid na ayon sa ilang nakakakila sa kanila sa lugar ay mga magugulong estudyante. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Viewing all articles
Browse latest Browse all 8129