OPISYAL nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang batas na nagbabalik sa kapangyarihan ng ilang piling opisyal ng Philippine National Police (PNP) na magpalabas ng subpoena sa mga kasong sumasailalim sa imbestigasyon.
Nito lamang Marso 1 ay nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 10973 na binibigyan ng otoridad ang PNP chief, PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director at CIDG deputy director for administration na mag-summon o magpatawag ng mga indibidwal at dokumentong kinakailangan at makakatulong sa investigative work ng PNP.
Nakapaloob sa batas na maaari ng sampahan ng PNP-CIDG ng kasong indirect contempt sa Regional Trial Court (RTC) ang sino mang tatanggi o hindi tutupad sa kanilang subpoena.
Ang naturang batas ay isinulong ni Sen. Panfilo Lacson sa Senado noong nakaraang taon.
Sinasabing kapag nagsanib puwersa ang Philippine Constabulary at Integrated National Police, sa ilalim ng Republic Act 6975, karamihan sa kapangyarihan ng isang ahensiya ay naki-carry over maliban sa subpoena powers. KRIS JOSE