NALAMBAT ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 75-anyos na lola, dalawa pang babae at 16 na lalaki na sinasabing tulak ng droga sa isinagawang ’round the clock drug operations’ sa Quezon City kahapon ng madaling-araw Marso 13, 2018 (Martes).
Kinilala ni QCPD Dir. P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga nadakip na suspek na sina Lola Adelina Milan, 75-anyos, dalawang pang babae na sina Raquel Nocum, 21, Josefina Eugenio, 35, at mga lalaking sina Rick Gardose, 34, Zan Suguilon, 38, Alvin Orio, 42, Ronie Salandro, 52, Julvic Abong, 32, Manuel Rimando, 43, Clifford Dingley, 42, Adrian Manzano, 34, Teddy James, 31, Fernando Pasion, 47, Jorgio Santilliana, 18, Jonathan Abordo, 31, Bingo Arispe, 19, Melvin Tacuyan, 28, Alexis Baniqued,29.
Ang mga suspek ay naaresto dakong alas-2:00 hanggang alas-6:00 ng umaga sa magkakasunod na buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng QCPD.
Mismong mga residente ng Quezon City ang nagbibigay na ng impormasyon sa mga awtoridad hinggil sa umano’y pagtutulak ng illegal na droga ng mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 75 plastic sachet na naglalaman ng droga na nagkakahalaga ng P750,000 at ibat-ibang drug paraphernalia.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165, (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.)
Pinuri naman ni Gen. Eleazar ang mga station commanders at ang mga tauhan nito sa patuloy at agresibong operasyon kontra illegal na droga. SANTI CELARIO