HINDI muna pinapayagang magbakasyon o mag-leave ang mga immigration officers na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang malalaking paliparan bago at pagkatapos ng Mahal na Araw .
Ayon sa Bureau of Immigration, ito ay upang matiyak na sapat ang mga personnel na mangangasiwa sa mga bibiyahe sa panahon ng Lenten Season.
Sa report ni BI port operations division Marc Red Mariñas kay BI Commissioner Jaime Morente, nag-isyu ito ng memorandum na nagsasabing hindi na ito tatanggap pa ng aplikasyon para sa bakasyon at forced leave sa Marso 20 hanggang April 15.
Aniya, naglabas ito ng kautusan dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero dahil sa mahabang Lenten break.
Sinabi naman ni Morente na kong kinakailangan ay nakahanda ang BI na pansamantalang magtalaga sa NAIA at iba pang paliparan ng karagdagang immigration officers na kasalukuyang nakatalaga sa BI offices sa loob at labas ng Metro Manila at ang 100 IOs na kasalukuyang sumasailalim sa Basic Immigration Officer Course sa Philippine Immigration Academy.
Katunayan, sinabi ni Morente na nitong nakaraang mga linggo ay naglabas na ito ng personnel orders para sa pagtatalaga ng ilang immigration officers sa paliparan sa Clark, Mactan, at Kalibo na nangangailan ng manpower augmentation dahil sa pagbubukas ng karagdagang flights. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN