TODAS ang isang hinihinalang drug pusher matapos umanong manlaban sa mga pulis habang nasugatan naman ang isa sa kasamahan nito at naaresto naman ang dalawa pa sa isinagawang drug buy-bust operation sa Quezon City ka gabi Marso 14, 2018 (Miyerkules).
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T Eleazar, ang napatay na suspek na si Abdul Asis Daimon, alias Rudy, residente ng Brgy.Payatas,QC.
Sugatan naman ang isa sa kasama ni Daimon na nakilalang si Xander Gal Dela Cruz, 18-anyos, habang naaresto naman sina Michael Mahinay, 37, ng Brgy.Payatas at Rizen Oclas Sobrepena,23 ng Brgy. Commonwealth.
Nabatid na isa pa sa kasamahan ng mga suspek sa pot session na nakilalang si Nazeer Sindato ay nakatakas habang nakikipagbarilan ang mga kasama nito sa awtoridad.
Ayon sa report, dakong alas-11:30 ng gabi nitong nakalipas na Miyerkules nagsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust operation sa Lower Jasmin, Brgy.Payatas laban kay Daimon at sa mga kasamahan nito dahil umano sa pagtutulak ng iligal na droga.
Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu ng halagang P500.00 kay Daimon, subalit matapos ang transaksyon nakatunog si Daimon na may mga nakakalat na pulis sa paligid kaya agad itong pumasok sa kanilang bahay kung saan ay kasalukuyan namang nagsagagawa ng ‘shabu session’ ang mga kasamahan nito.
Nang malaman ng mga kasama ni Daimon na napapaligiran sila ng mga pulis agad nagpaputok ng baril si Dela Cruz na noon ay armado ng cal. 38 revolver kaya naman gumanti na rin ng putok ng baril ang mga awtoridad.
Ayon pa sa ulat sa halip na sumurender si Daimon ay kinuha pa nito ang kanyang shotgun at niratrat ang mga pulis na ikinasawi nito.
Nasamsam sa lugar na pinangyarihan ng engkwentro ang 15 sachets ng shabu, caliber .38 revolver na walang lisensiya, shot gun, buy-bust money at drug paraphernalia. SANTI CELARIO