UMABOT na sa lima ang kumpirmadong patay sa nasunog na Water Front Manila Pavillion Hotel and Casino sa United Nations Avenue corner Maria Orosa Street , Ermita, Maynila.
Huling nakitang patay sa loob ng CCTV room sa ikaapat na palapag ng gusali ang biktimang si Cris Sabido, na kawani rin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Tumagal ang sunog ng halos mahigit 25 oras na umabot sa Task Force Bravo .
Ayon kay Manila Fire Supt. Jonas Silvano , idineklarang fire out ang sunog ganap na alas 10:56 ng umaga kanina lamang, Marso 19, 2018.
Sa joint press briefing ng Pagcor, Manila Police District (MPD), Bureau of Fire Protection (BFP) at mga opisyal ng Manila Pavilion, nilinaw ni Ms. Carmelita Valdez, ang Assistant Vice-President at pinuno ng Corporate Communications Department ng Pagcor, na hindi patay si Jen Figueroa. Nakikipaglaban pa rin upang mabuhay at umaasa aniya siya na maka-survive.
Una nang naitala ang pagkamatay ng apat sa mga casualty na kinabibilangan nina Billy De Castro, Edilberto Braga Evangelista, Marlyn Omadto at John Mark Sabido.
Samantala, kabilang sa mga nasugatan na nasa Manila Doctors Hospital ay sina Tobias Cres Tamondong, Randy Antipala, Angelica Joyce Mercado Sebastian, Mary Joyce Rodil, Sheryl Hui Nin Foo, Takahiro Yano, Sahria Gaos, Marco Blanca Castandiello, Ae Kyeong Kim, Jennifer Cruz, Leced, Tuideo Sta. Rita, at Rey Tebelin.
Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng Pagcor na tutulungan ang mga namatay na kawani.
Personal na rin aniyang nakiramay si Pagcor Chairman Andre Domingo sa mga naulilang pamilya. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN