ISASALANG sa DNA examination ang labi ng isa sa nakuhang bangkay sa natupok na Manila Pavillion sa Ermita , Maynila .
Ayon kay Senior Inspector Reden Alumno, ang pinuno ng arson investigator ng Bureau of Fire Protection sa Maynila, hindi na makilala ang bangkay ni
Jocris Banang, ang operator ng closed-circuit television o CCTV operator na natagpuan sa ilalim ng data video recording equipment dahil sunog-sunog ang katawan.
Sinabi ng opisyal na nais nilang maging maayos ang pagproseso ng pamilya ng biktima sa death certificate nito gayundin sa pag-asikaso sa mga benepisyo na maaari nilang makuha.
Sa proseso ng DNA examination, kukuha ng tissue sa katawan ng biktima na ikukumpara sa tissue sample na kukunin sa isa sa mga miyembro ng pamilya Banang.
Si Banang ay kinilala ng mga opisyal ng PAGCOR.
Siya rin ang unang iniulat na nawawala at natagpuang sunog sa isinagawang search and rescue operation ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Kinilala ang iba pang namatay na sina John Mark Sabido, Edilberto Evangelista, Marilyn Omadto at Billy Rey de Castro. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN