WALONG oras ang lumipas bago natagpuan ang wala nang buhay na teenager na lalaki na iniulat na dinukot ng hindi nakilalang kalalakihan sa Quezon City kaninang umaga.
Nakasubsob sa bakanteng lote na taniman ng gulay nang matagpuan ang biktima na kinilalang si Jefferson delos Santos, 17, naninilbihang helper sa Brgy. Lupang Pangako, Payatas B , Quezon City na tadtad ng saksak ng ice pick sa kanyang dibdib at malaking sugat sa likod ng kanyang ulo.
Ayon kay PO2 Anthony Tejerero ng QCPD-CIDU, alas-5:30 ng umaga nang madiskubre ng kanyang inang si Evelyn sa nasabing lote na pag-aari ng Banco Filipino.
Nauna rito, iniulat na dinukot ang teenager mga bandang alas-10:00 ng nagdaang gabi (Miyerkules) habang ito ay naglalakad kasama ng kanyang amo na kinilalang si Ariel Concepcion ng nasabing lugar na ang trabaho ay magtinda ng gulay at ginawang katu-katulong ang teenager sa pagtatanim ng gulay sa loob ng bakanteng lote.
Batay sa salaysay ni Concepcion, kasama niya ang teenager sa kanyang jeep ng harangin sila ng apat na armadong kalalakihan bago inilawan siya ng flashlight upang hindi niya makilala ang mga kalalakihan .
Isa aniya sa mga suspek ang nagtanong sa biktima kung siya si Delos Santos saka binitbit na siya bago piniringan ang mga mata.
Kanina lamang muling natagpuan ng ina ang biktima ng bumalik ito sa bakanteng lote kung saan nakita niyang patay na ito pero hindi pa malinaw sa mga pulis kung doon nga pinatay ang bata o sa ibang lugar.
Ayon sa mga pulis, wala aniyang impormasyon na may nakagalit ang biktima sa kanilang barangay pero patuloy pa rin sa pagsasagawa ng background check ang mga pulis sa pagkatao ng biktima upang matukoy ang motibo sa pagpatay sa kanya.