TODAS ang isang hindi kilalang lalaki na may tatoo na ‘Bebot’ sa kaliwang braso matapos barilin ng hindi nakikilalang gunman sa Quezon City, kagabi Abril 1, 2018 (Linggo).
Inilarawan ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na nasa pagitan 35-46 anyos, may taas na 5’5 hanggang 5’7, nakasuot ng puting t-shirt, maong na pantalon at nakasapatos ng Nike at may tatoo na ‘Bebot’ sa kaliwang braso.
May tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril ang biktima sa batok na ikinamatay nito.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Marvin Masankay, ng CIDU, naganap ang insidente dakong alas-9:10 ng gabi nitong Linggo sa harap ng No. 83 Kasunduan St., Brgy. Commonwealth, QC.
Batay sa pahayag sa pulisya nang witness nasa loob siya ng kanilang tahanan nang makarinig siya ng isang malakas na putok ng baril at nang lumabas siya ay nakita na lamang niya ang duguang katawan ng biktima kaya agad niya itong ini-report sa kanilang barangay.
Narekober sa crime scene ang isang basyo ng bala ng baril, kulay asul na sling bag, BDO credit card na may pangalang Nenita R. Panga.
Masusi namang iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na pamamaril habang inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima. SANTI CELARIO