KULONG ang isang lalaki matapos ireklamo ng isang dalaga na kanyang binusohan sa Malate, Maynila.
Sa entrapment operation ng Manila Police District (MPD) , naaresto ang suspek na si Christopher Andrada, nasa hustong gulang.
Ayon sa biktima na itinago sa pangalang Helen, tinakot umano siya ng suspek sa pamamagitan ng text message na ipapakalat ang kanyang mga maselang video kapag hindi ito pumayag na makipagtalik sa kanya.
Nabatid na tuwing naliligo sa banyo ng apartment ng kanyang boyfriend ay binubusohan naman ng suspek ang dalaga.
Dahil umano sa takot at hindi na nakakatulog ay humingi ng tulong sa pulisya ang biktima na agad namang nagsagawa ng operasyon.
Ayon kay C/Insp.Michael Garcia, ng MPD Station 9 kakasuhan ng robbery extortion si Andrada na umaming matagal nang may gusto sa biktima kaya nagawa niya itong busohan. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN