INABUTAN nang panganganak si Elsa Pansa sa loob ng Mobile ng Pulis ng Manila Police District matapos tanggihan ng taxi na sana ay mag papahatid sa Fabella Hospital.
Ayon sa dalawang pulis na umasiste sa buntis na sina P01 Rafael Robles at P02 Melchizedek Bangayan, pawang mga nakatalaga sa MPD Station 3, nakita nila si Elsa sa harapan ng Telecom Comp., Sta Cruz, Manila alas-7 ng umaga na nag-aabang ng taxi ngunit ito ay tinatangihan isakay.
Habang nagpapatrolya sa lugar ang dalawa sakay ng police mobile napansin ni P02 Banganyan na dinudugo na ang buntis at tila nahihirapan kung kaya’t daglian nila itong isinakay sa kanilang Police Mobile upang dalhin sa Dr. Jose Fabella Hospital. Habang tinatahak ang daan papunta sa ospital biglang pumutok ang panubigan ni Pansa at inabot na ng panganganak sa loob ng sasakyan.
Ligtas na nakarating ang ina at bagong panganak na sanggol na lalaki sa ospital at agad inasikaso ng doktor na ngangalaga sa kalusugan ni Pansata upang tiyakin na nasa maayos na kalagayan ang dalawa,
Taos sa puso naman ang pasasalamat ni Pansa sa mga kapulisan na nag magandang loob sa kanya.
Agad pinapurihan ni P/Supt.Arnold Thomas Ibay, Commander ng MPD Station 3, ang kanyang mga kapulisan dahil sa ginawa nilang pag-tulong sa ginang na nanganak sa kanilang police mobile. STORY AND PHOTO BY: CRISMON HERAMIS.