DALAWANG kongresista ang nahulog sa tulay habang nagsasagawa ng inspeksyon sa reklamo ng substandard housing sa Sitio Hongkong, Brygay Rio Hondo, Zamboanga City.
Kasalukuyang binabagtas nina Negros Rep. Alfredo “Albee”Benitez at Zamboanga Rep. Celso Lobregat kasama ang kani-kanilang security at staff nang bumigay ang tulay habang naglalakad patungo sa pabahay para sa mga Badyao na naging biktima at nawalan ng tirahan sa kasagsagan ng Zamboanga siege.
Kasama ng dalawang kongresista sa isasagawa sanang ocular inspection si Zamboanga City Mayor Beng Climaco bandang alas-10:00 ng umaga.
Magkasama sanang sisiyasatin ng tatlong opisyal ang ulat ng substandard housing sa nasabing lugar at kakulangan ng basic utilities at pasilidad sa nabanggit na pabahay.
Nakarating din sa tanggapan ni Benitez ang mahinang pundasyon ng mga bahay at kawalan ng palikuran ng mga pabahay na ibinigay o iginawag ng National Housing Authority sa mga Badjao bukod pa sa bulok na tulay patungo sa mga housing units.
Si Benitez ay chairman ng House Committee on Housing and Urban Development na siya ring nagsiyasat sa mga reklamong palpak na housing projects sa Samar at Leyte para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Wala namang nasaktan sa nasabing insidente. MELIZA MALUNTAG