PINATUNAYAN ng isang estudyante na tapat siya sa kaibigan matapos pagsasaksakin ng tatlong lalaki nang tulungan ng una ang kaibigan na pinagsusuntok ng mga huli sa Caloocan City, Huwebes ng gabi.
Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center si Ruben Cadinong, 21 ng Phase 3, Bagong Silang ng lungsod, matapos na magtamo ng mga saksak sa katawan.
Nadakip naman sina Eniego Coprada, 20-anyos at Oliver Cortan, 21, kapwa ng Phase 3, Bagong Silang ng lungsod habang nakatakas si Jemar Gamas.
Batay sa ulat, dakong alas-9:45 ng gabi, nakatayo ang biktima kasama ang isang kaibigan sa nasabing lugar nang dumating ang mga suspek at pinagsusuntok ang kaibigan ni Cadinong.
Tinulungan ng biktima ang kaibigan na ikinagalit ng mga suspek at isa ang nagbunot ng patalim at pinagsaksak ang una.
Dinala ang biktima sa EAMC habang nadakip naman sina Coprada at Cortan habang nakatakas naman si Gamas.
Inaalam na ng mga pulis kung sino ang sumaksak sa biktima.