KUMPIRMADO nang patay ang tatlong unang iniulat na nawawala sa naganap na sunog kaninang madaling-araw sa isang commercial-residential building sa Blumentritt, Sta.Cruz, Maynila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) natagpuan ang katawan ng dalawang biktima na Zardy Luna at Angelito Jumares na magkatabi habang sa di kalayuan naman nila nakita si Dennis Magdaet na siyang nagpapatakbo ng Charipp Trading.
Nabatid na nagsimula ang sunog pasado alas-3 ng madaling-araw sa naturang tindahan ng mga linoleum, school supplies at kurtina kung saan nagtratrabaho sina Luna at Jumares.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, nagising mga biktima nang sumiklab ang sunog at tinangkang bumaba sa ground floor mula sa ikatlong palapag ng gusali.
Gayunman, hindi nagawang makatakas sa nagngangalit na apoy ang tatlo nang bumagsak sa kanila ang mezzanine ng gusali.
Nahirapan naman ang mga bumbero na pasukin ang gusali dahil na rin sa kalumaan na nito at sa dami ng mga panindang nasunog.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na ikinadamay pa ng isang patahian, grocery at tindahan ng plastic.
Sa ngayon ay inaalam pa ang sanhi ng sunog at kabuuang pinsala nito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN