NABIGTI sa hinihigaang duyan ang isang buwan anyos na baby matapos itong iwan pansamantala ng kanyang ina habang natutulog sa Baseco, Compound, Port Area, Maynila.
Gawa umano sa nylon ang duyan ng baby na nakilalang si Rovelyn Abriu,residente ng 076 Block 18 ,2nd St. Port Area, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO3 Michael Marragun, ng MPD-Homicide Section, dakong 10:50 ng umaga ng maganap ang insidente sa ikalawang palapag ng bahay ng biktima.
Nasa duyan umano ang biktima nang iwanan ng inang si Rosalinda sa kalinga ng kanyang mga anak na sina Rommel, 9 at Rolando 6 para mangutang ng bigas na kakainin nila sa labas .
Lingid sa kaalaman ni Rosalinda ,iniwan ng mga anak ang natutulog na baby at nakipaglaro sa kanilang mga kapitbahay.
Nang makabalik ng bahay ay tinawag ni Rosalinda ang mga anak para kumain pero laking gulat niya pag-akyat sa ikalawang palapag nang makita ang biktima na nakabigti sa duyan na nylon.
Kaagad umanong inalis sa pagkakabigti ang bata at isinugod sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) kung saan idineklara itong walang buhay.
Posible umanong nagising ang bata at nang lumikot ay nahulog dahilan para mabigti ang leeg nito.
Nakakita naman ang pulisya ng bakat ng lubid sa leeg ng biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN