PATAY ang isang 28-anyos na janitor matapos pagtulungan bugbugin ng dalawang di nakikilalang suspek dahil lamang sa masamang tinginan sa Sta Cruz, Maynila kaninang madaling-araw.
Dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Arturo Cadungon, ng 1697 LRC Compound , C.M. Recto, Sta. Cruz, Maynila dahil sa matinding pinsala sa kanyang ulo.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang dalawang di nakilalang suspek na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa pulisya, dakong 3:42 ng madaling araw nang naganap ang insidente sa panulukan ng Rizal Avenue at Claro M.Recto.
Sa imbestigasyon, nalaman na kapwa nakainom ang biktima at ang mga suspek at posibleng napatingin ang biktima sa mga suspek na ikinairita ng huli.
“Wala naman kursunadahan lang,sinundan yung victim tapos pinagtulungan na nilang bugbugin,”ayon kay San Pedro.
Patuloy namang nagsasagawa ng follow up operation para madakip ang mga suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN