TIMBOG ang dalawang miyembro ng “Spaghetti Gang” na responsable sa pamumutol at pagnanakaw ng mga kable na siyang dahilan ng pagkakaputol ng linya ng telepono sa malaking bahagi ng Taft Avenue at Cartimar Shopping Center sa Pasay City, kaninang madaling araw.
Palabas na ng manhole ng PLDT sa Taft Avenue, tapat ng Cartimar Shopping Center sina Joven Merma, 27 ng 108 Purisima St., at Jojo Calyan, 37, ng 9222 Noble St., bitbit ang mga pinutol na kable ng telepono nang sitahin ng mga roving security guard na sina Elpidio Batilaran, 41 at Jhosen Gangan.
Tiyempo naman na nagsasagawa ng pagpapatrulya si PO3 Eduardo Padol sakay ng mobile car ng Police Community Precinct (PCP) 3 kaya’t hiningan siya ng tulong ng mga guwardiya upang dakpin ang dalawa. Nakuha ng pulis sa mga suspek ang mga pinutol na kable ng telepono, tatlong piraso ng lagareng bakal, screw driver at ang tricycle na gamit nila sa pagtakas.
Napag-alaman na madalas magreklamo ang mga nangungupahan sa Cartimar Shopping Center sa madalas na pagkaputol ng serbisyo ng kanilang telepono na resulta ng ginagawang pagnanakaw at pamumutol ng kable ng mga suspek.
Ipinagharap ng kasong pagnanakaw nina SPO1 Roderick Navarro at SPO1 Cris Gabutin ng Station Investigation Division ng Pasay police ang dalawa sa Pasay City Prosecutors Office.