NADILIG ng dugo ang masayang inuman ng magkakapitbahay ng matapos magtalo ay basta na lamang umano sinumpak ang isang 30 anyos na helper sa Parola Compound,Tondo, Manila kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktima na si Daniel Hilario, may asawa, ng Gate 1 Area A Parola Compound sakop ng Tondo, habang mabilis namang tumakas ang suspek na nakilalang si Mar Hernandez, kapitbahay ng biktima.
Batay sa ulat na isinumiti ni Det. Christian Caparas kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Crime Against Persons Investigation Section, naganap ang insidente dakong 9:17 ng umaga makaraang lapitan at walang sabi-sabing paputukan ng isang improvised shotgun o mas kilala sa sumpak ang biktima at magtamo ito ng isang tama ng bala sa dibdib.
Bago ang naturang insidente, nag-iinuman ang biktima at ang suspek kasama ang ilang kapitbahay sa kanilang lugar na nagsimula umano kamakalawa pa ng gabi.
Habang nasa kasagsagan ng inuman, dito na nagsimulang magtalo-talo a nauwi sa awayan.
Ilan sa kainumang kapitbahay ang naisipan na lamang umuwi, pero dahil sa umano’y agresibo si Hernandez, umuwi ito pero nang magbalik ay armado na ito ng simpak na siyang ipinutok sa biktima.
Naisugod pa ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Medical Center pero idineklara itong dead on arrival.