GINAHASA na, binaunan pa ng bala sa katawan ang isang babae na natagpuang wala ng buhay madamong bahagi ng Barangay Sta. Lucia, Bagong Sirang, sa Magarao, Camarines Sur, Sabado ng umaga.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawan na nasa edad 25 hanggang 28 anyos, mahaba ang buhok, morena at nakasuot lamang ng kulay gray na sweat shirt. May isa itong tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan.
Blangko pa ang pulisya kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen pero mayroon nang sinisundan na lead para makilala ang mga salarin.
Sa ulat, natuklsan ang bangkay ng biktima na walang suot na underwear, dakong alas-6:00 ng umaga sa isang madamong bahagi ng nabanggit na lugar.
Bago ito, nakarinig ang mga residente ng isang putok ng baril pero dahil sa alanganin ang oras at ayaw na lang madamay pa ay nagbibingi-bihingan na lamang sa nadinig.
Pero kinaumagahan, biglang dumami ang mga amuyong dahil ang putok ng baril na kanilang narinig ay para pala sa babaeng biktima.
Natagpuan din sa lugar ang isang slug ng bala na hawak na ngayon ng PNP habang patuloy pang iniimbestigahan ang krimen.