KULONG ang isang babae matapso mang-umit ng mga chocolate sa convenience store sa Caloocan City Biyernes ng gabi, Abril 13.
Nakilala ang suspek na si Joan Dela Cruz, 37, ng Pampanga Alley, Bagong Barrio ng lungsod.
Sa ulat, dakong alas-9 ng gabi, pumasok ang suspek sa 7/11 sa kanto ng EDSA at Asuncion st., Morning breeze subd., ng lungsod at kumuha ng isang lata ng Hershey Creamy Chocolate 40 grams na nagkakahalaga ng P208 at tatlong piraso ng Toblerone na nagkakahalaga ng P60.
Napansin ng guwardiyang si Isagani Tamula ang pangyayari at nang lumabas ang suspek na hindi dumaan sa counter ay hinarang ng una at nakuha sa dalang bag ang mga chocolate.
Dinala ang suspek sa presinto at sinampahan ng kasong theft.
Samantala, swak sa kulungan ang isang lalaki matapos mang-umit ng MP3 sa isang tindahan sa Caloocan City Biyernes ng hapon, Abril 13.
Nakilala ang suspek na si Darwin Dimatulac, 29 ng BMBA cmpd., 2nd Avenue ng lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-5 ng hapon, pumasok ang suspek sa tindahan ng mga gadget na binabantayan ni Anna Mae Tiu, 21 sa Rizal Avenue Ext., ng lungsod.
Napansin ng biktima na ibinulsa ng suspek ang isang MP3 at nang sitahin ay inilaglag ng suspek ang MP3 sa sahig bago mabilis na nagtatakbo papalabas.
Humabol si Tiu at nakahingi ng tulong sa mga nakatambay na tumulong nakihabol hanggang sa madakip ang suspek at dalhin sa presinto bago sinampahan ng kasong theft.