PATAY ang isang konduktor ng bus habang sugatan ang tatlo katao nang salpukin ng isang pampasaherong bus ang nakaparadang 10-wheeler Fuzo truck kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Nasawi habang ginagamot sa Ospital ng Makati si Ricky Monton, konduktor ng JAC Liner na may plakang TSQ-424 habang ginagamot din sa naturang pagamutan ang pasaherong si Henry Abrera, 27, ng Libertad, Pasay City at dalawang pahinante ng truck na sina Marvin Penaverde, 32, at Harold Escalante, 27, kapwa residente ng San Pedro, Laguna sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan.
Tumakas naman ang driver ng bus na nakilalang si Policarpio Ilagan matapos na masalpok ang truck (CTC-447) na minamaneho naman ni Guillermo Iballa, 33, ng Sampaguita Village, San Pedro, Laguna.
Ayon kay SPO1 Mardy Domingo ng Makati Traffic Management Unit, nangyari ang insidente dakong ala-1:10 ng madaling araw habang pinapalitan ng mga pahinante ang na-flat na gulong ng truck na nakaparada sa northbound lane ng Osmena Highway malapit sa Arnaiz Avenue.
Malaki ang hinala ng pulisya na nakatulog sa pagmamaneho si Ilagan kaya’t nasalpok nito ang nakaparadang truck na nasa gilid ng highway.
Hinahanap na ng pulisya si Ilagan upang papanagutin sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.