NASAGIP ng mga barangay tanod ang isang 4-anyos na babae matapos tangkaing kidnapin ng sindikato na mandurukot ng mga bata sa Kamaynilaan kagabi.
Nabatid sa ina ng biktima na isang dentista , may bibilhin lamang ang bata sa kalapit na tindahan malapit sa kanilang bahay nang lapitan ng matandang babae dakong alas-7 kagabi sa Immaculate Concepcion, Tayuman, Tondo, Maynila.
Bintibit ng matandang babae ang bata kaya nag-iiyak ito.
Nakaagaw pansin naman sa ilang barangay tanod sa lugar ang pag-iyak ng bata dahil nasasaktan sa higpit na pagkakahawak ng suspek sa kanya kaya agad silang umaksyon at sinagip ang biktima.
Ang suspek ay kinilala sa pangalang Piroficacion Gozon, 50 taong gulang.
Sa presinto, nag-astang baliw naman ang suspek at napansin ng pulisya ang patung-patung nitong damit na pinaniniwalaang bahagi ng modus ng mga sindikato ng mga mandurukot ng mga bata upang mailigaw ang awtoridad sa imbestigasyon at hindi basta-basta madidiin sa kaso.
Nilinaw naman ni MPD acting director Senior Supt. Robert Po na isasailalim nila sa medical examination ng National Center for Mental Health ang suspek upang matukoy ang kalagayan ng pag-iisip nito.
Sakali aniyang mapatunayan na nagbabaliw-baliwan lamang ang suspek ay ipaghaharap nila ito ng patung-patong na kaso.