PATAY sa aksidente ang isang lalaki nang sumabit ang kanyang pinapatakbong motorsiklo sa kable ng kuryenteng nakakalat sa kalsada bago sumalpok sa poste ng Manila Electric Company sa Quezon City, Lunes ng gabi.
Dead on the spot ang biktima na si Geoffrey Gutierrez, 34-anyos, residente ng Tecson St., Sta. Cruz, Maynila, sanhi ng tinamong head injury.
Nasa kritikal naman na kondisyon sa Chinese General Hospital ang kapatid nitong si Jonathan na nagtamo ng injury sa katawan.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:45 ng gabi sa likod ng Manila North Cemetery sa may A. Bonifacio Avenue.
Bago ito, nabatid na may mga nagpuputol na mga tauhan Meralco ng mga illegal connection sa lugar nang maganap ang insidente.
Inaalam pa ng Quezon City traffic sector 1 kung may pananagutan ang pamunuan ng Meralco sa pagkamatay ng biktima dahil sa hindi pagtabi ng mga naputol na kawad ng kuryente sa bangketa.