TATLO ang nalagas kabilang ang isang mag-asawa nang suwagin ng kotse ng Antique mayor ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Antique nitong Lunes ng gabi (Abril 15).
Dead on arrival sa Angel Salazar Memorial General Hospital sanhi ng tinamong kapansanan sa ulo at katawan ang drayber ng motorsiklo na si Raffy Susana, 22-anyos, ang mag-asawang angkas nitong sina Chris Nolada, 26-anyos at misis nitong si Gina, 24-anyos na pawang residente ng Casalngan Hamtic.
Sumuko naman agad sa awtoridad at sasampahan ng 3 counts ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to property ang tsuper ni Sibalom Mayor Joel Occeña na si Cesar Alabahon.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 11:30 sa isang bisinidad ng national highay ng Casalngan Hamtic
Bago ito, nagmula sa Barangay Villavert Jimenez ang motorsiklo habang pauwi naman ang kotse ni Mayor Occeña na mula naman sa lungsod ng Iloilo nang nangyari ang insidente.
Sa imbestigasyon ni PO2 Elmer Tansianes ng Hamtic Municipal Police Station, nag-overtake ang motorsiklo sa dalawang sasakyan subalit sa kaliwa ito dumaan at nakasalubong ang sasakyan ng mayor.
Ayon kay Alabahon, dahil sa ilaw ng dalawang sasakyan na kanilang nasalubong hindi niya nakita ang motorsiklo.
Wasak naman ang unahang bahagi ng sasakyan ng alkalde at nagtamo naman ng minor na sugat ang kanyang drayber at isang pang kasama.