TINATAYANG higit 30 na ang patay habang 400 ang nasugatan sa malakas na lindol na yumanig sa China, Sabado ng umaga at pinangangambahang tumaas pa ang bilang ng mga namatay.
Ito ang inihayag ni Xu Mengjia, secretary ng Communist Party’s Ya’an Municipal Committee, ang siyudad na pinakamalapit sa epicenter ng malakas na lindol na nagpaguho sa mga gusali at nagdulot ng panic sa mga residente.
Sa report, ayon sa China Earthquake Networks Center (CENC), tumama ang magnitude 7.0 na lindol sa southwest ng Sichuan province.
Nasukat naman ng US Geological Survey ang naturang pagyanig sa magnitude 6.6.
Dakong alas-8:02 ng umaga (oras doon) nang tumama ang shallow earthquake na may lalim na 12 kilometers.
Nakapagtala na rin ng ilang malalakas na aftershock.
Patuloy ang rescue operations sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Samantala, noong 2008, 87,000 katao ang nawala o namatay matapos na tamaan ng malakas na lindol ang Sichuan.
Ang nasabing lindol ang itinuturing na pinakamalaking trahedya sa nasabing bansa sa loob ng ilang dekada.