TIGOK ang isang holdaper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City, Martes ng gabi.
Nagkaroon muna ng ilang minutong habulan bago napatay ng mga pulis ang hindi pa nakikilalang holdaper na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa ulat ni PO2 Jimmy De Jesus, ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente dakong alas-11:10 ng kagabi sa kahabaan ng Aurora Blvd. flyover, Brgy. San Martin de Porres, Cubao, QC.
Bago ito, hinoldap ng napatay at isa pang kasama nito ang mga pasahero ng UV Express van na sina April Joy Aguilar, Ricky Nacario at Annalyn Laurio.
Pagsapit sa may St. Lukes Medical Center naglabas ng baril at balisong ang dalawang suspek at nagdeklara ng holdap saka kinulimbat ang mahahalagang kagamitan ng mga pasahero.
Makaraang makuha ang kanilang pakay sa mga pasahero, bumaba ang mga suspek sa 12th St., New Manila, Q.C.
Doon inagaw ng isa sa dalawang suspek ang motorsiklo ni Roberto Lim na umiihi sa lugar saka tumakas patungong Cubao.
Agad namang nag-report si Lim sa mga nagpapatrolyang pulis na mabilis hinabol ang suspek na nag-iisa na lang sa motorsiklo nang maabutan.
Sa halip na huminto, pinaputukan ng suspek ang mga pulis na agad ding gumanti na nagresulta sa pagkamatay ng kawatan.
Narekober ng mga pulis sa napatay na suspek ang isang kalibre 38 revolver, mga personal na gamit at ang motorsiklo ni Lim.