NAKIKI-USAP ang Philippine National Police (PNP) sa mga kandidato na huwag kunsintihin ang pangingikil na ginagawa ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay PNP Chief Director General Alan Purisima, ang pagbabayad sa naturang rebeldeng grupo ay maituturing na pagsuporta na rin sa mga ito.
Ayon sa panawagan ni Purisima, sakaling mangangampanya sa mga lugar na hinihinalang kontrol ng NPA, agad na makipag-ugnayan sa chief of police ng naturang lugar upang mabigyan sila ng proteksyon.
Kinumpirma ng PNP na ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) pa rin ang pinakamalaking banta sa seguridad ngayong darating na May 2013 elections.
Ito ang sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., matapos ang magkakasunod na panghaharass at pag-atake ng rebeldeng grupo.
Sinabi pa ni Cerbo na maliban sa NPA at iba pang threat groups, nakatutok din ang PNP sa pagkumpiska ng loose ng firearms na posibleng magamit sa karahasan, pag-arrest ng mga private arm groups at criminal elements partikular na ang mga gun for hire group.
Kaugnay nito, tiniyak ni Cerbo na awtomatiko ang kanilang ginagawang pagde-deploy ng mas maraming pulis sa mga lugar na may nagaganap na karahasan na may kaugnayan sa halalan para matiyak ang susunod na eleksyon sa susunod na buwan.
Gayunpaman, kahit malaki umano ang banta na ibinibigay ng NPA, andyan naman ang PNP katuwang ang Armed Forces of the Philippines.