ARESTADO ang anim na hinihinalang drug pusher sa magkakahiwalay na operasyon ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cavite at Cagayan de Oro City, nitong Abril 21-22.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang naarestong suspek sa Cavite na si Cesar Añate y Felizardo, 48-anyos, ng Nursery Compound, Brgy. San Nicolas II, Bacoor.
Timbog naman sa Cagayan de Oro sina Danny Macadar y Saumay, 35; Sairah Abdulgafar y Maurog, 28; Bryan Doromal y Agbo, 32; pawang taga-Barangay Barra, Opol, Misamis Oriental; Denne Carl Castro y Lambojon, 35-anyos, ng Barra, Iponan, Cagayan de Oro City; at Junivy Calimpong y Dagairag, 28, residente ng San Roque, Ozamis City.
Unang sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Regional Office 4A (PDEA RO 4A) CALABARZON, sa pamumuno ni Director Jeffrey Bangsa, PDEA Special Enforcement Service, PDEA K-9 Unit at Bacoor City Police Station ang bahay ni Añate matapos magpalabas ng search warrant si Hon. Agripino G. Morga, executive judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 32, San Pablo, Laguna.
Nakumpiska sa suspek ang may 15 gramo ng shabu at walong gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P54,000.00 at mga drug paraphernalia.
Sa hiwalay na operasyon kinabukasan, nasakote ng PDEA RO 10 sa bahay ni Abdulfagar sa Block 21, Lot 62, Vamenta Subdivision, Barra, Opol, Misamis Oriental sina Macadar, Abdulfagar at Doromal.
Nakuha sa kanila ang may apat na sachet ng shabu na may bigat na limang gramo.
Habang nang araw ring iyon nasakote naman sina Castro at Calimpong matapos makumpiskahan ng anim na sachet ng shabu at isang motorsiklo na may plate no. 8240KN na ginagamit sa transaksiyon.
Nahaharap ang anim sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.