MINSAN pang nasubukan na ang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kilabot at mapamuksang motorcycle-riding gunmen sa Quezon City ay walang silbi.
Kasunod ito ng pagpatay sa homeowners association president na si Delfina Macapagal nitong nakaraang Huwebes lamang na naganap sa loob mismo ng kanyang bahay sa Kamagong St., Barangay Commonwealth at ang mga salarin ay sakay sa motorsiklo.
Ayon sa mga nakasaksi, isa sa mga suspect ang tinakot pa ang mga residente sa pamamagitan ng pagsigaw na siya ay isang alagad ng batas.
“Yuko, yuko! Puputukan ko kayo, pulis ako!, kuwento ng saksi kay PO2 Alvin Quisumbing ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU).
Si Macapagal, 56-anyos, na presidente ng Kamagong-Kasoy Homeowners Association, ay walang kalaban-laban na dalawang ulit na binaril sa ulo ng mga suspect.
Maalalang lalo pang pina-igting ng QCPD kamakailan lamang ang kanilang kampanya laban sa nasabing tropa pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuldukan ang kasamaan ng tinaguriang tinik sa lalamunan ng mga resindente ng lunsod.