ISANG pulis sa Valenzuela ang nahaharap sa kasong physical injury matapos ireklamo ng pananapak ng isang ginang.
Nahaharap sa kasong physical injury si SPO2 Rajean Apolinar Mirando, nasa hustong gulang at nakatalaga sa Valenzuela City Police Admin Holding Area.
Sa pahayag ng biktimang si Sylvia Arellano, 56, ng Sabino st., Marulas ng lungsod, dakong alas-7:30 ng gabi noong Abril 20, 2013 kinompronta siya ng asawa ng suspek sa Marulas Public Market ng lungsod dahil sa utang ng una na hindi pa nababayaran sa huli.
Naging mainit ang pagtatalo hanggang sa sumulpot ang suspek at sapakin ang ginang.
Nadala sa ospital ang ginang at nang makalabas ay saka lang nakapagsampa ng kaso laban sa pulis.