SWAK sa kulungan ang isang Jordanian national matapos sapakin at sabunutan ang asawa na hindi agad nakauwi ng bahay sa Valenzuela City Biyernes ng gabi.
Nahaharap sa kasong slight physical injury in relation to violation of women’s and their children si Jalal Hassan Mahmoud, 56-anyos, ng Pedrical St., Karuhatan, ng lungsod.
Sa pahayag ng biktimang asawa ng suspek na si Amal De Dios Mahmoud, 28-anyos, ng nasabing lugar, kahapon ay may nakatalo siya sa parlor na naging dahilan upang dalhin sa presinto.
Sumunod sa kanya ang asawa at matapos maayos ang gulo ay naunang umuwi ang biktima subalit tumuloy sa kanyang tatay.
Dakong alas-10 ng gabi, umuwi ng bahay ang biktima karga ang tatlong taong gulang na anak na babae subalit sinalubong siya ng sapak ng suspek.
Hindi pa nakuntento, sinabunutan pa ng suspek ang biktima.
Nang makawala ay nagsumbong sa mga barangay tanod ang biktima na naging dahilan upang dakpin at dalhin sa presinto ang banyaga at sinampahan ng mga nasabing kaso.