AABOT sa 150 gramo ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang empleyado ng isang munisipyo na umanoy pinaniniwalaang supplier ng iligal na droga Maguindanao.
Si Arman Adam, 37 anyos , alias Taps, empleyado sa munisipyo ng Mother Kabuntalan, Maguindanao at residente sa Upper Capitol, Datu Odin Sinsuat Maguindanao ay inaresto sa bisa ng search warrant na inisyu ng branch 13 ,Honorable Bansawan Ibrahim, Al Haj, Executive Judge, 12th Judicial Region, Regional Trial Court (RTC) , Cotabato City,at isinilbi sa kanyang bahay noong April 26, 2013.
Nakuha ng mga operatiba sa bahay ni Adam ang dalawang malalaking plastic bag na naglalaman ng shabu na may bigat na 150 gramo; mga drug paraphernalia; apat na kalibre .45 pistols; isang cal. 30 Carbine; cash na P11,800; at isang Toyota Fortuner, MFG-187.
Si Adam ay ikinukonsiderang malaking target mga awtoridad dahil sa pagkakasangkot nito sa distribusyon ng shabu sa autonomous region, particular sa mga probinsiya ng Maguindanao, South Cotabato at General Santos City.
Dahil dito si Adam ay kinasuhan ng paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. At karagdagang kasong paglabag sa RA 8294 (Illegal Possession of Firearms) at Omnibus Election Code (Election Gun Ban).