NAUWI sa madugong trahedya ang panliligaw ng magkakaribal sa iisang babae makaraang magtagpo tagpo sila sa bahay nito na nauwi sa patutsadahan hanggang sa magkasaksakan sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Namatay noon din sa lugar ng insidente si Howard Oliver Abina, 27 anyos, ng Salanap compound, Sito Mendez, Brgy. Baesa at helper sa isang auto repair shop sanhi ng tinamong saksak sa kanang bahagi ng kanyang dibdib.
Naitakbo naman ng kasamahan niyang si Danilo Corpuz, 37, kapitbahay ng biktima ang sarili nito kahit duguan sa East Avenue Medical Center na nagtamo rin ng saksak sa katawan.
Batay sa isinumiteng ulat ni SPO1 Cristituto Zaldarriaga ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente pasado ala 1:30 ng madaling araw sa bahay ng isang Shirley Oliveria sa Salanap compound , Sitio Mendez , Brgy. Baesa .
Ayon sa ulat pagdating umano ng mga biktima sa bahay ni Shirley ay nadatnan nila ang tatlong kalalakihan bisita rin ng babae na nakaupo sa living room .
Sinasabing nag-umpisa ang gulo ng sitahin umano ni Corpuz ang mga suspek at sinabihan “ bakit” may problema ba “ kung kaya nauwi sa mainitang argumento hanggang sa sila’y magkarambulan .
Sa gitna ng rambulan bumunot umano ng patalim ang isa sa mga salarin bago inundayan ng sunod-sunod na saksak ang mga biktima bago nagsitakas.
Namatay agad si Abina samantalang si Corpuz na bagamat sugatan ay mag-isang isinugod ang sarili sa EAMC na agad naming nalapatan ng lunas.
Kaugnay nito patuloy ang isinasagawang pagtugis ng mga pulis sa mga tumakas na suspek.