DAHIL sa inilatag na follow-up operation ng mga tauhan ng Manila Police District-Anti Carnapping and Hi-jacking Investigation Section, natunton ang sinasabing karnap na sasakyan sa loob ng isang “junk shop” sa Calaca, Batangas, iniulat ng pulisya.
Gayunman, nadamay din at nakapiit ang suspek na nakilalang sina Maribel Patulot, 40 anyos, may-ari ng Bher Junkshop, sa 194 Sitio Laguerta Brgy.Uno, Calaca, Batangas at ang helper nitong si Rolando Macatigbak, 29 anyos ng nasabing lugar.
Narekober at kasalukuyang nasa kustodiya ng MPD-Headquarters ang isang kulay puting Mitsubishi Fuso Canter (NIY 447) na umano’y kinarnap, habang nakaparada sa V. Mapa St., Sta.Mesa nitong nakaraang Sabado ng madaling araw.
Base sa ulat ni P/Sr.Insp. Rosalino Ibay, dakong 8:30 kamakalawa ng gabi nang bibitbitin nila ang dalawa sa nasabing Junkshop sa Sito Laguerta, Brgy., Unoi, Calaca, Batangas.
Bago ang pag-aresto nitong nakaraang April 27, bandang 4:15 ng madaling araw nang tangayin ng di nakikilalang suspek ang sasakyan na nakarehistro sa Jalan Transport Services, Inc.
Ang pagtangay sa nasabing sasakyan ay nakuhanan ng Closed Circuit Television (CCTV) sa barangay kung saan isa ding lalaki ang tumangay dito.
Nabatid pa kay Sr. Insp. Ibay na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa isang junkshop na kung saan ay naroroon ang kinarnap na sasakyan, kaya agad na nagsagawa ng follow-up operation at natunton ito sa nasabing lugar.
Lumitaw sa ulat ng pulisya na umano’y por kilo ang naging bentahan ng sasakyan na umabot lamang sa P60,000.00
Narekober sa nasabing junkshop ang sasakyan at mga Goldilocks products na nagkakahalaga ng P100,000, na siya namang mariin ang pagtanggi ni Patulot na may kinalaman sila sa aktibidades ng hindi pa tukoy na mga suspek.
Inaalam din ng awtoridad kung may kaugnayan ang ginang sa naturang operandi.