ISA ang patay habang 19 ang sugatan makaraang bumaligtad ang isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City kanina.
Kinilala ni Supt. Arnold Santiago, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU) ang namatay na si Franco Gelito, ng No. 134 Christian Dior St., LD Village, Tala, Caloocan City.
Ayon sa ulat, si Gelito ay binawian ng buhay matapos isugod sa Sta.Teresita General Hospital dahil sa pinsala sa kanyang katawan matapos bumaligtad ang sinasakyang bus.
Habang nasugatan naman ang 19 na pasahero ng bus na hindi pa nakikilala.
Ayon kay PO2 Enrico Viterbo, traffic investigator, naganap ang aksidente dakong 3:00 ng hapon matapos bumaliktad ang pampasaherong bus na Jackpherlyn (TXL-824) sa tapat ng Halamanan Area, Commonwealth Ave., Brgy. Commonwealth, QC.
Sinabi ni PO2 Viterbo na nawalan ng preno ang nasabing bus na minamaneho ni Roderick Berin habang sakay ang 20 pasahero dahil sa bilis na takbo nito taliwas sa itinakdang 60/kph sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kung kaya bumaliktad ang naturang bus.
Posibleng maharap sa kaso ang driver ng bus bunga ng naturang insidente.