SUGATAN ang lima katao nang umatras at tumagilid ang isang closed van matapos sumpungin ng epilepsy ang driver nito kaninang madaling-araw sa C-5 Road sa Makati City.
Nadaganan pa ng tumagilid na van (XDJ-268) na minamaneho ni Erwin Rioveros ang isang taksing may plakang UVG-983 na naging sanhi upang masugatan ang driver nitong si Jodie Sadar na isinugod kaagad sa pagamutan.
Bukod kay Sadar, isinugod din sa Ospital ng Makati si Rioveros at ang tatlo pang sakay ng van na kinilalang sina Belinda Lindayag, Sherwin Dayap at Inday Mapua na pawang nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Marte Cesar Bueno ng Makati Police Traffic Enforcement Unit na patungo ang van sa Bauan, Batangas mula sa Santolan Pasig upang magsilbi ng pagkain sa isang kasiyahan nang bigla na lamang mangisay ang driver na sinumpong ng sakit na epilepsy dakong alas-4 ng madaling araw.
Nagawa namang maihinto ni Rioveros ang van sa gitna ng lansangan subalit hindi niya nahila ang hand brake kaya’t umatras ito hanggang tumagilid at dumagan sa taksing minamaneho ni Sadar.
Nagdulot naman ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng C-5 Road na umabot hanggang Julio Vargas Avenue sa Pasig City ang insidente bago tuluyang maialis ang mga sasakyan pasado alas-6 ng umaga ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).