PATULOY pa rin ang isinasagawang manhunt operation ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay dating police Supt. Cesar Mancao.
Ayon kay Atty. Reynaldo Esmeralda, NBI Deputy Director for Intelligence Services, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagpaparamdam si Mancao kaya patuloy itong tinutugis katuwang ang tracker team ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Bagamat kaliwa’t kanan ang mga interviews ni Mancao sa media ay hirap pa rin ang NBI na matunton ang saktong lokasyon ng dating pulis.
Hinala naman ni Esmeralda na nasa isang resort si Mancao.
Si Mancao ay binigyan ng pagkakataong sumuko subalit tinanggihan niya ito. Kaugnay nito, nagbabala na si Justice Secretary Leila de Lima na aalisin na ito sa witness protection program (WPP) kapag hindi pa rin sumuko sa mga susunod na mga araw.
Aminado naman si Esmeralda na malaking dagok ang pagtakas ni Mancao sa kanilang kostudya kaya sinisikap nilang matunto at maibalik ito sa NBI.