NAKAPIRING pa ang mata ng ng isang ‘di nakilalang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo at natagpuan kaninang madaling-araw sa ibabaw ng Nagtahan-Zamora bridge sa Beata, Pandacan, Maynila.
Inilarawan ni PO2 Dennis Turla ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS) ang biktimang nasa edad 35-40, may taas 5’4, katamtaman ang pangangatawan, naka-puting t-shirt at checkered na shorts.
Ayon sa testigong si Erick Perez, alas-4 ng madaling-araw nang madaanan nito ang duguang bangkay ng biktima na nakadapa sa tulay kaya kaagad niyang ipinagbigay-alam kay Barangay Chairman Armando Ferrer, ng Bgy. 865 Zone 94 na itinawag sa MPD-HS para sa kaukulang imbestigasyon.
Hinala ng pulisya na buhay pa ang biktima nang dalhin ng kanyang mga killer sa ibabaw ng tulay at doon binaril.
Samantala, nilagyan naman ng duck tape ang buong ulo, kamay at paa ng isa pang hinihinalang biktima ng salvage na natagpuang lumulutang sa Manila Bay sa may Sitio Damayan, Bgy. 105 NHA, R-10, Tondo, Maynila kagabi.
Tinatayang nasa edad na 30-35 ang biktima, naka-puting t-shirt, itim na pantalon at itim na sapatos.
Sa report ni SPO3 Rodelio Lingcong, may nakita ring sugat sa dibdib at namamaga na ang katawan ng biktima na hinihinala ng mga awtoridad na sinalvage.
Dinala ang bangkay sa St. Rich Funeral, habang ang unang bangkay ay dinala naman sa Arch Michael Funeral Homes para sa awtopsiya at safekeeping. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN