Quantcast
Channel: Police – Remate
Viewing all 8129 articles
Browse latest View live

Jewelry shop sa Maynila, nilooban

$
0
0

NILOOBAN at natangayan ng tinatayang P.5-milyon halaga ng mga alahas ng ‘di pa nakilalang mga suspek ang isang jewelry store sa Sta. Cruz, Maynila kaninang umaga.

Sa report ni Supt Robert Domingo, Hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 11, dakong 9:20 ng umaga nang looban ang QT Jewelry Shop sa panulukan ng Ongpin at Gonzalo Puyat Sts., Sta. Cruz, Manila.

Isang Charito Malibiran, sales lady ng nasabing jewelry ang nakatuklas ng nasabing insidente nang pumasok ito.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, wasak ang kisame ng nasabing jewelry shop kung saan hinihinalang dumaan ang mga suspek.

Sinunsundan din ng pulisya ang anggulong sa silid ng isang Joan Gao sa ikalawang palapag ng gusali tumuloy ang mga suspek bago pumasok sa loob ng kisame hanggang nakarating sa nasabing jewelry shop.

Maging ang Close Circuit Television (CCTV) ng jewelry shop ay sinira ng mga suspek bago  isinagawa ang paglimas ng iba’t ibang uri ng alahas na umaabot sa mahigit P500,000.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente at sa pagkakakilanlan sa mga suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Parak utas holdap

$
0
0

SABOG ang ulo ng isang pulis nang barilin ng hindi nakilalang armadong kalalakihan sa Isabela, kaninang madaling-araw, Oktubre 13.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong tama ng bala ng 9mm pistol sa kanang bahagi ng kanyang ulo ang biktimang si SP03 Alexander Ulnagan, imbestigador ng Cordon Police Station.

Blangko pa ang pulisya sa kung sino ang may kagagawan ng pagpatay pero isa sa sinisilip na motibo ay panghoholdap dahil nawawala ang P5,000 nasa pitaka ni Ulnagan.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 4:40 ng madaling-araw sa isang bisinidad sa Bgy. Gayong, Corodn, Isabela.

Ayon kay Senior Supt. Sotero Ramos, panlalawigang director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), bago ang insidente ay nakasakay sa kanyang motorsiklo ang biktima at pauwi na ito sa Diffun, Quirino.

Pagsapit sa nasabing barangay, may bumaril sa ulo ng biktima.

Teyorya ng pulisya na pinara ng mga suspek ang biktima bago ito binaril saka pinagnakwan.

Nagkalat din ang mga barya sa crime scene na isang palatandaang panghoholdap ang motibo sa pagpatay kay Ulnagan. ROBERT TICZON

Senglot na bully, tigbak sa suntok

$
0
0

PATAY ang isang pedicab driver nang mabagok ang ulo matapos suntukin ng kanyang kalaro sa cara y cruz sa isang lamayan dahil sa pambu-“bully” nito sa suspek at sa sobrang kakulitan dulot ng kalasingan kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Idineklarang dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si James Rouch, ng #8 Gladiola St., Pal Gate 2, Bgy. 184, Zone 19, Maricaban Pasay City sanhi ng tinamong pinsala sa ulo.

Naaresto naman ang suspek na nakilalang si Benedick Gagatiga, 31, binata, walang trabaho, ng 150 C. Cadena De Amor St., nang nasabing lungsod, at kasalukuyan nang nakakulong sa detention cell ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police.

Batay sa ulat ng pulisya, alas-4:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa St. Peter St. malapit sa Barangay Hall ng Bgy. 184, Zone 19, Maricaban, Pasay City.

Nauna rito, lasing na lasing umano ang biktima na nagtungo sa isang lamay lugar kung saan nakipaglaro pa umano ito ng cara y cruz kasama ang suspek.

Dahil umano sa kalasingan ng biktima, kinukulit at inaasar umano nito ang suspek, bukod pa na tila pambu-bully nito at minumura habang sila’y nagsusugal.

Gayunman, sinabihan na lang ng suspek ang biktima na umuwi na lamang dahil lasing na ito ngunit hindi umano ito pinakinggan ng biktima at ipinagpatuloy ang paglalaro at pangungulit.

Dahil sa patuloy na pang-aasar at pagmumura ng suspek ay nagpanting ang tenga ng suspek dahil natatalo na rin ito sa sugal kaya’t tumayo ito at sinuntok ang biktima dahilan para bumagsak sa semento at mabagok ang ulo.

Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Samantala, itinanggi naman ng suspek na sinuntok nito ang biktima dahil itinulak lamang umano niya ito dahil sa sobra nitong kakulitan bukod pa sa ginawa nitong pagmumura sa kanya.

Pansamantala namang inilagak sa Malaya Funeral Homes ang bangkay ng biktima upang isailalim sa awtopsiya. JAY REYES

Ex-vice mayor ng Sarangani, inutas

$
0
0

TATLONG putok ng baril ang pumatay sa dating bise-alkalde ng ‘di nakilalang armadong lalaki sa Sarangani province kaninang umaga.

Kaugnay nito, patuloy ang pangangalap ng impormasyon ng Maasim PNP kaugnay sa pagkakapatay sa dating vice mayor ng Maasim, Sarangani province na si Eulogio Benitez, 82, ng Sitio Ilaya, Bgy. Colon, Maasim.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Insp Rodel Javison ng Maasim Police Station, alas-7:00 kaninang umaga nang pumunta si Benitez sa kanyang farm sa nasabing lugar sakay ng isang traysikad.

Maya-maya ay may tatlong putok ng baril na narinig umano sa lugar at nadatnan na lamang ng live-in partner ng biktima si Benitez na nakabulagta at may tama ng baril habang mabilis na tumakas ang gunman.

Tatlong tama ng bala sa kaliwang tagiliran, sa leeg at sa kaliwang kamay ang natamo ng biktima na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Sinasabing revolver ang ginamit ng suspek bunsod ng walang empty shells na nakuha sa crime scene.

Sa ngayon, tumanggi muna ang Maasim PNP na magbigay ng detalye kaugnay sa tinututukan nilang motibo at tungkol sa pinaghihinalaan nilang suspek para sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon. JOHNNY ARASGA

2 barko ng US sa bansa, haharangin

$
0
0

IPINAG-UTOS na ni Admiral Samuel Locklear, Commander ng US Pacific Command na manatili ang USS Peleliu at isa pang warship sa Subic Bay hangga’t nagsasagawa ng imbestigasyon.

Ito’y ayon kay Visiting Forces Agreement (VFA) Commission Executice Director Eduardo Oban,  alinsunod sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Nasa kustodiya na aniya ng US marines ang hindi pa pinapangalanang American military official kasama ang dalawa pang sundalo sa USS Peleliu.

Samantala, hawak nang Olongapo City Police ang CCTV footage na nagpapakitang isang dayuhan na ‘Caucasian’ ang huling kasama ni Laude na magcheck-in sa Celzone Lodge noong Sabado ng gabi. JOHNNY ARASGA

Paslit, patay sa irrigation canal sa Quezon

$
0
0

PATAY ang dalawang-taong gulang na bata nang malunod sa irrigation canal sa Bgy. Anoling, General Nakar, Quezon

Batay sa salaysay ng ina na si Merly Esquevasa, iniwan niya ang anak kasama ang nakatatanda nitong kapatid sa kanilang bahay malapit sa isang irrigation canal.

Pero pagbalik ni Esquevesa, isang anak na lamang nito ang inabutang naglalaro sa loob ng bahay at hindi namalayan na nawawala na ang paslit.

Natagpuan na lamang ng ginang na lumulutang sa irrigation canal ang bunsong anak na idineklarang dead-on-arrival sa ospital. JOHNNY ARASGA

Suspek sa transgender killing sa Olongapo, arestado

$
0
0

NAKAPIIT na sa U.S. Assault Ship Peleliu ang isang miyembro ng U.S. Marines na hinihinalang pumaslang sa isang transgender sa Olongapo City.

Inaresto ang hindi pa pinapangalanang sundalong Amerikano matapos madiskubre ang bangkay ng biktimang si Jeffrey Laude, 26, sa Celzone Lodge, noong Sabado ng gabi.

Una ng naghinala ang mga awtoridad na dayuhan ang huling nakasama ni Laude noong gabing lumabas ito ng bar.

Samantala, tumutulong na ang U.S. Naval Criminal Investigative Service sa imbestigasyon habang hawak na rin ng U.S. Marines ang dalawa pang Amerikanong sundalo na posibleng testigo sa krimen.

Napag-alaman din na naka-asssign ang suspek sa 2nd Battalion ng 9th Marines mula Camp Lejeune, sa North Carolina, sa Amerika.

Kasalukuyang naka-deploy ang unit ng suspek sa Pampanga para sa Philippine-U.S. Amphibious Landing Exercise (PHIBLEX), na isang annual bilateral training event. JOHNNY ARASGA

2 patay sa pekeng gold trading sa Misamis Oriental

$
0
0

AWAY sa pekeng ginto ang tinitingnang motibo sa pagpatay sa dalawang lalaki na hinampas ng bato sa ulo sa Bgy. Imelda, Villanueva, Misamis Oriental.

Narekober na lamang ang bangkay ng mga biktimang nakahandusay sa kalsada katabi ang ilang mga malalaking bato na maaring ginamit na murder weapon.

Inihayag ni S/Insp. Rogelio Labor, Jr., hepe ng Villanueva Police Station na nananatili pa silang blangko kung sino ang nasa likod ng pagpaslang sa mga ‘di pa kilalang biktima.

Sinabi ni Labor na isang barangay kagawad na naglalakad sa crime scene ang nakakita sa mga bangkay na nakahiga sa gilid ng daan.

Aniya pa, hindi nila isinantabi ang anggulong illegal gold trading ang motibo sa krimen dahil talamak ang bentahan ng kontrobando sa lugar.

Kaugnay nito, hinikayat na lamang ni Labor ang mga residenteng mayroong hindi pa nakauuwing mga kaanak hanggang ngayon na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang matukoy kung kamag-anak nila ang mga biktima. JOHNNY ARASGA


Pampasaherong bus, hinoldap sa QC

$
0
0

HINOLDAP ng dalawang armadong kalalakihan ang isang public transportation bus na halos puno ng pasahero sa Quezon City kaninang umaga, Oktubre 14.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10, nagpaputok muna ang mga suspect ng dalawang ulit na ipinatama sa sahig ng Taguig Metro Link bus na may plakang (UYA-664) bago kinulimbat ang pera, alahas at cellphones ng may sampung pasahero na nakaupo sa may bukana ng bus.

Bumaba naman agad sa may NIA Road sa Bgy. Piñahan ang mga holdaper tangay nakulimbat sa mga pasahero.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 6:25 ng umaga sa kahabaan ng East Avenue sa nasabing barangay.

Kwento ng isang Arlene Dalimango, isa sa mga pasahero, nakaidlip siya sa biyahe at nagising na lang sa mga putok ng baril. Halos puno aniya ng mga pasahero ang bus nang mangyari ang holdap.

Sa takot, hindi na nagawang pumalag ng driver at kundoktor ng bus.

Base sa pagsasalarawan ng mga biktima, nabuo na rin ang artist sketch para makilala at mahuli ang mga suspek. ROBERT TICZON

1 patay sa vehicular accident sa Pangasinan

$
0
0

BINALONAN, PANGASINAN – Isa ang patay habang lima ang malubhang nasugatan nang bumangga ang kanilang sasakyan sa Binalonan sa nasabing lalawigan.

Tinatahak ng ‘di nabatid na uri ng sasakyan ang national highway ng Bgy. Linmansangan nang aksidenteng supalpok sa puno.

“Sa hindi malamang dahilan, itong sasakyan na ito nabangga niya ang puno ng mangga,” ani Binalonan police spokesman Inspector Rommel Sembrano.

Isang Max Mansano ang namatay sa aksidente dahil sa tinamong head at body injuries.

Samantala, malubha namang sugatan sina Noreto Fernandez, driver; Noel Repoyo, Garry Gromio, Crisanto Flores at Jonathan Mina na agad dinala sa pinakamalapit na ospital.

Inaalam pa ng pulisya kung nasa impluwensya ng alak ang mga biktima nang mangyari ang aksidente. ALLAN BERGONIA

Mag-utol inutas ng ama saka naglaslas ng leeg

$
0
0

PINAGTATAGA ng isang ama ang kanyang dalawang anak saka ginilitan ang kanyang leeg sa Davao del Norte kagabi, Lunes, Oktubre 13.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong taga sa ulo at leeg ang mga biktimang sina Christian Baquiran, 6, at Christine Mae, 4.

Nasa malubhang kondisyon naman sa Davao Regional Hospital sanhi ng tinamong hiwa sa leeg ang suspek na si Renato Baquiran, 29, ng Purok 11 Sitio Tinago, Barulio E. Dujali, Davao del Norte.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 2:30 ng hapon sa mismong bahay ng pamilya Baquiran.

Ayon sa mga kapitbahay, bago ang insidente ay nakita nilang mag-isang umiinom ng alak ang suspek dakong 9 ng umaga.

Dahil karaniwan na ang ganitong eksena sa kanila ay hindi na nila ito pinansin.

Pero nang malasing, bigla na lamang pinagtataga ng suspek ang kanyang dalawang anak saka naglaslas ng kanyang leeg.

Isa naman sa sinisilip na motibo sa karumal-dumal na krimen ay crime of passion dahil nabatid na hiniwalayan na ng kanyang misis si Baquiran.

Nahaharap ang suspek sa kasong parricide. ROBERT TICZON

No. 2 most-wanted sa Iligan City, nadakip sa Zambo Sur

$
0
0

ARESTADO ang isang lalaki na pangalawa sa listahan ng most-wanted person sa Iligan City sa pinagtataguan nitong lugar sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.

Ayon sa ulat mula kay Zamboanga del Sur Police Provincial Director Senior Supt. Sofronio Ecaldre, alas-9:00 ng umaga nang magsagawa ng joint operation ang mga kasapi ng Iligan Police Station kasama ng mga pulis ng San Pablo municipal police station partikular sa may Bgy. Sagasan sa bayan ng San Pablo na nagresulta sa pag-aresto ng suspek na si Harold Tioc Dayao.

Base sa warrant of arrest ng suspek, nahaharap siya sa mga kasong robbery with homicide na inilabas sa Regional Trial Court, Branch 06, Iligan City.

Walang inirekomendang piyansa ang korte sa kasong kinakaharap ng nahuling suspek.

Na-turnover na sa kapulisan ng Iligan City ang nahuling suspek. MARJORIE DACORO

Bugaw, dakip sa robbery extortion

$
0
0

NADAKIP ang isang 55-anyos na bugaw matapos ireklamo ng isang Peru national ng pananakot at pangingikil nang tanggihan nito ang ibinubugaw na babae kahapon ng madaling-araw, sa may Ermita, Maynila.

Sinampahan ng kasong robbery extortion at grave threat sa Manila Prosecutor Office ang suspek na si Jose Rex Surilla, ng 18 Area B, Parola Cmpd., Tondo, Maynila makaraang ireklamo ng biktimang si Carlos Alberto Montero, 37, taga-Peru, South America at nanunuluyan sa Rm. 406 4th floor, CB Vitug Bldg. na matatagpuan sa 559 Arkansas St., Ermita, Maynila.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente alas-12:25 ng madaling-araw sa loob ng 7-11 convenience store sa may panulukan ng United Nation Avenue at Mabini St., Ermita, Maynila.

“While I’m inside 7-11 convenience store and waiting for my turn to pay for my groceries at the cashier when the suspect suddlenly arrived at me side offered me if I wanted a girl and goodtime, whereas force me to pay his three goya chocolate worth P180 before the cashier”, anang dayuhan sa kanyang sinumpaang salaysay sa pulisya.

Nauna rito, nang alukin ng suspek ang dayuhan ng babae ay tinanggihan nito, gayundin na bayaran ang tsokolate na pinababayaran sa kanya ng suspek.

Lumabas umano ng conveniece store ang suspek at dito na hinamon at tinakot ng kanyang dalang patalim ang biktima, kaya dumiretso ito sa Bgy. 670 Zone 272 at nagreklamo kay Chairman Dante Gonzalo .

Kasama ang mga barangay tanod ay inaresto sa lugar ang suspek at itinurn-over sa MPD-GAIS. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Lolo na rapist ng 13-anyos arestado

$
0
0

ARESTADO sa bisa ng warrant ang isang lolo na tatlong beses gumahasa sa 13-anyos na dalagita may isang taon na ang nakalilipas sa Sta. Cruz, Maynila.

Hawak na ng MPD-Warrant and Subpoena Section, ang suspek na si Celino Halili, 60, electronics technician, ng 2318–C Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay Chief Insp. Salvador Tangdol, hepe ng MPD-WSS, naaresto si Halili sa loob ng kanyang bahay sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Ma. Celestina Mangrobang ng Manila Regional Trial Court Branch 38.

Base sa record, tatlong beses ginahasa ng suspek sa kanyang bahay ang 13-anyos na dalagita na umano’y ibinugaw sa kanya.

Nang malaman ng mga magulang ng biktima, napilitan na itong maghain ng reklamo, hanggang sa magtago ang suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

12-anyos pisak sa bus sa La Union

$
0
0

STO. TOMAS, LA UNION – Isang 12-anyos na lalaki ang namatay matapos masagasaan ng rumaragasang bus sa Bgy. Casantaan.

Sa imbestigasyon, tumatawid ang bata sa national highway ng nasabing barangay nang mahagip ng bus na minamaneho ni Gregorio Limos.

Sinabi ni Limos na iniwasan niya ang truck at kotse ngunit hindi niya inakala na tatamaan niya ang bata.

Ayon kay Sto. Tomas police chief Sr. Insp. Garry Anthony Casem, matapos banggain ang bata, isang cargo truck naman ang nabangga nito.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang kinakaharap ni Limos na nakakulong ngayon sa Sto. Tomas detention cell. ALLAN BERGONIA


P200-K nilimas sa bodega ng kape

$
0
0

UMAABOT sa P231,000 ang natangay ng suspek matapos holdapin ang isang bodega ng kape sa San Miguel, Jordan, Guimaras.

Nabatid na pinasok ng hindi nakilalang suspek ang warehouse ng Granvia, isang distributor ng kape, at tinutukan ng baril ang cashier na si Jonaval Gallego at secretary na si Sherry Mae Perlas Derizo.

Iginapos nito sa monobloc chair ang dalawang empleyada gamit ang packing tape at nilagyan pa ng busal.

Napag-alaman na dalawang empleyadang babae lamang ang tao sa warehouse at wala ring guwardiya. GINA ROLUNA

Maritime stude tiklo sa shabu sa pritong isda

$
0
0

PANGARAP na lamang para sa isang maritime student ang makapagtapos ng pag-aaral at makasakay ng barko matapos itong mahuling nagpupuslit ng droga sa isang kulungan sa Kalibo, Aklan kaninang umaga, Oktubre 15.

Bagama’t itinatanggi ng suspek na si Doram Surilla, 19, alyas Ram-Ram, ng Jaime Cardinal Sin Avenue, Kalibo ang akusasyon laban sa kanya, ikinulong na ito sa Kalibo PNP detention cell at sasampahan ng kasong illegal drug trafficking at illegal possession of drugs.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 7:55 ng umaga sa isang detention cell ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa may Bgy. Nalook, Kalibo.

Bago ito, nagpunta si Surilla sa nasabing kulungan para hatiran ng pagkain ang isang preso na si Jelson Lopez na nahulihan ng droga noong Hulyo 29, 2014.

Dahil isang standard operation procedure ng BJMP na kapkapan ang mga dumadalaw sa preso, nabuko ng mga jail guard ang isang sachet ng shabu na isiniksik sa ulo ng pritong hasa-hasa.

Katwiran naman ni Surilla, hindi niya alam na may droga ang kanyang dalang pagkain at ininguso ang kanyang boarding mate na si John Ray Napat, isang driver ng L300 sa Boracay na siyang nag-utos sa kanya ng epektos.

Bukod dito, nakumpiskahan pa ng anim na sachet ng shabu ang suspek na nakalagay sa loob ng sapatos nito sa isinagawang routine inspection. ROBERT TICZON

Pasimuno ng pekeng bomb threat, iseselda na

$
0
0

LIMANG taong pagkakakulong o P40,000 multa ang magiging parusa sa sinomang mapatutunayang nagpapakalat ng pekeng bomb threat.

Sinabi ni PNP Spokesperson Sr. Supt. Wilben Mayor, na isang krimen ang pagpapakalat ng bomb threat at paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law.

Hindi palalagpasin ng PNP ang nagpakalat ng pekeng bantang pagpapasabog sa mga unibersidad at kolehiyo kamakailan.

Kabilang sa mga nakatanggap ng bomb scare ay ang Far Eastern University (FEU), Southville International School and Colleges, Polytechnic University of the Philippines (PUP), Claret School, Miriam College sa Quezon City at San Beda College sa Manila na pawang naging negatibo naman ang mga banta. ROBERT TICZON

Call center agent, nilimas ng 2 holdaper

$
0
0

HALOS nangangatog pa sa nerbiyos nang magsumbong sa mga pulis ng Taguig City Police Station ang isang call center agent na hinoldap sa loob ng pampasaherong jeep na kanyang sinakyan patungong trabaho kamakalawa ng madaling-araw, sa kahabaan ng Nichols Bridge, Bgy. Western Bicutan, Taguig City.

Sa reklamo ng biktimang si Camille Anne D. Marquez, 27, ng 32 Grace St., Section 4, Bgy. Don Bosco, Parañaque City, alas-3:00 ng umaga nang sumakay siya sa isang jeep patungong trabaho kasabay ang dalawang lalaki.

Aniya, ginitgit siya ng dalawa at tinutukan ng baril sa ulo ng makarating ang sasakyan sa madilim na bahagi ng Nichols Bridge.

“Naumid po ang dila ko at nangatog po ang katawan ko sa sobrang takot nang tutukan nila ako ng baril at sapilitang agawin ang bag ko,” aniya.

Matapos na mangulimbat ang dalawang armadong mandarambong, mabilis aniyang bumaba ng sasakyan ang mga ito at tumakbo patungo sa madilim na bahagi ng lugar.

Nang makarekober sa takot, dali-daling nagtungo ang biktima sa himpilan ng mga pulisya upang idulog ang pangyayari. PETER CORPUS

Vintage van, nagliyab sa QC

$
0
0

NILAMON ng apoy ang isang sasakyan sa Quezon City kaninang umaga, Oktubre 17.

SA kabutihang-palad, nakababa ang may-ari ng isang pulang Volkswagen Kombi na 1950 model at may plakang NRN-221 at ang pitong sakay nito bago ito tuluyang nasunog.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 9:25 ng umaga sa kanto ng A. Bonifacio Avenue at Selecta Drive sa Balintawak, Quezon City.

Ayon sa may-ari ng sasakyan na si Jun David, katatapos lang nilang magpa-gasolina at ilang metro pa lang ang kanilang binabaybay nang sigawan sila ng ilang pedestrian dahil lumiliyab ang likod na bahagi ng van.

Hininto agad ni David ang kanyang sasakyan sa tabi ng kalsada at pinababa ang kanyang mga sakay bago tuluyang lamunin ng apoy ang buong sasakyan na nagdulot ng mabigat na trapiko.

Agad namang dumating Metro Manila Development Authority (MMDA) rescue enforcers upang sugpuin ang apoy at ibsan ang bumigat na trapiko. ROBERT TICZON

Viewing all 8129 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>