NABUKO ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tangkang pag-rescue ng mga Abu Sayyaf sa loob ng Reformatory Center sa Zamboanga City.
Sa nakalap na impormasyon, kinumpirma ni AFP spokesperson Col. Restituto Padilla na pinaplano ng mga bandidong Abu Sayyaf (ASG) na magsagawa ng rescue operation sa loob ng Zamboanga City Reformatory Center kung saan nakakulong ang kapatid ni ASG leader Furuji Indama na si Bensar Indama.
Sinabi ni Padilla na mismo ang mga detainees ang nagbigay ng impormasyon bukod sa intelligence unit na tinitiktikan ang galaw ng grupong Abu Sayyaf.
Giit pa ni Padilla, matagal na umanong pinaplano ng ASG ang rescue operation subalit dahil sa matinding pagbabantay at monitoring ng militar kaya hindi naisagawa ang kanilang plano.
Noong Lunes, Enero 19, nasabat ng mga Jail guards ang mga bala at armas na tangkang ipuslit sa loob ng kulungan kaya napigilan ang planong rescue operation.
Dagdag pa ni Padilla, sa ngayon ay nakaalerto ang buong Zamboanga Peninsula Region partikular ang Zamboanga City dahil sa planong rescue operation.
Sinabi ni Padilla na desidido umano si Furuji Indama na i-rescue ang kanyang kapatid sa loob ng kulungan anoman ang mangyari.
Inihayag ni Padilla na sa ngayon mayroon ng request para ilipat sa mas secured na kulungan ang mga tinaguriang high profile inmates.
Samantala, tiniyak ng AFP sa pamamagitan ng Western Mindanao Command na todo ang kanilang koordinasyon at suporta sa PNP sa region 9 ng sa gayon mapanatili ang peace and order sa lugar at rehiyon. JOHNNY ARASGA