NAKAALERTO na ang pamunuan ng pambansang pulisya sa posibilidad na “retaliation attack” o pagganti ng kampo ng napatay na most-wanted terrorist sa buong Asya na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ayon kay PNP PIO chief, Police Chief Supt. Generoso Cerbo, hindi na nila binabalewala ang mga bagay na ito at dahil dito patuloy silang nagmo-monitor ng mga posibleng banta mula sa mga taong na-recruit at naturuan ni Marwan sa paggawa ng bomba.
Sinabi ni Cerbo na wala pa namang natatanggap na intelligence report ang PNP hinggil sa planong pag-atake ng mga tao ni Marwan dito sa Metro Manila.
Ipinaliwanag ni Cerbo na normal lamang ang mga order o direktiba ng liderato ng pambansang pulisya kung meron man, sa iba’t ibang units para sa pagiging alerto upang maagapan ang anomang posibleng banta ng seguridad.
Dahil sa posibleng paghiganti, inaatasan ng PNP ang lahat ng units nito sa buong bansa na lalo pang palakasin ang seguridad sa mga kampo at pinapayuhan ang lahat ng personnel lalo na ang mga taga-SAF sa Camp Bicutan na huwag lalabas ng kampo nang walang kasamang buddy o partner at walang armas. JOHNNY ARASGA