MASUSING iniimbestigahan ng Pasay City Police ang motibo sa pamamaslang sa isang taxi driver nang madiskubre na lamang itong wala ng buhay at tadtad ng saksak sa katawan sa loob ng kanyang minamanehong taxi kahapon sa nabatid na lungsod.
Patay na nang madiskubre ang biktimang si Soriano Pantinople, Jr., nasa hustong gulang, ng #780 Masagana Homes, Phase 3, Tabang, Guiguinto, Bulacan, sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na agad tumakas matapos ang pananaksak sa biktima.
Sa imbestigasyon nina SP04 Ronaldo Frades at SP01 Rodolfo Suquina, Jr., ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, alas-4:03 kahapon ng umaga nang matagpuan ang biktimang bangkay na sa loob ng minamaneho nitong puting taxi na may body name na “Arnaiz Taxi” at may plakang TYF-644 na nakabalandra sa kahabaan ng Piccio Garden Rd., malapit sa Villamor Air Base Elementary School, Pasay City High School at Philippine School of Aeronautics, ng naturang lungsod.
Sa salaysay ng guwardiyang si Tomas Romeo Chiong, 22, ng Z-Four Security Agency, alas-3:35 ng madaling-araw habang nagpapatrulya siya sa naturang lugar nang makarinig siya ng malakas na ingay mula sa naturang taxi, kung agad niya itong pinuntahan.
Nang puntahan ng guwardiya ang pinagmulan ng ingay ay namataan niya ang tatlong lalaking naglalakad malapit sa nabatid na taxi na pawang nasa 20-anyos ang edad, mga lasing at malalakas ang boses, na nakasuot ng dilaw na polo shirt na may nakasulat na “Criminology” at naka-short pants.
Agad na umalis papalayo ang tatlong lalaki nang makita nila ang guwardiya.
Ilang minuto lamang ang nakalipas ay nadiskubre ang bangkay ng biktima kaya’t agad itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Sa isinagawang technical investigation ng mga tauhan ng Scene of the Crime Office, Southern Police District (SOCO-SPD), narekober sa bulsa ng biktima ang kanyang driver’s license, security guard license at P3,500 cash.
Iniimbestigahan pa rin ng pulisya kung biktima ito ng panghoholdap. JAY REYES